Kaliwa’t kanan ang pangangampanya ng mga tumatakbong pulitiko sa kani-kanilang mga lugar, kamayan dito kamayan doon, mga mukang makikita mong nakadikit kung saan-saang parte ng inyong kalsada, mga parapernalyang nakadikit sa mga sasakyan, mga damit na personal na ginawa at nilagyan ng kani kanilang mga muka at pangalan, kanya kanyang bisita sa mga bahay ng bawat mamamayan sa kanilang lugar, mga meeting de avance na nagsasabi ng kani-kanilang mga pangako. Lahat ng ito ay kanilang mga estratihiya upang makuha ang nag-iisa mong “BOTO”. Lahat sila nangangako ng ikagaganda ng inyong lugar, tama nga naman diba? bakit nga ba sila tatakbo kung mangangako lang sila ng kapalpakan sa inyong lugar? Ikaw iboboto mo ba ang ganitong klaseng tao kung puro kapangitan ang plataporma sa inyong lugar? diba hindi? Ikaw alam mo ba ang halaga ng boto mo? kung para saan kung bakit ka boboto?
Napakahalaga ng boto mo, isang boto na maaring magbago ng inyong hinaharap, isang boto na maaring mag alis sa atin sa kahirapan, isang boto na maaring magbago ng di kaaya-ayang sitwasyon sa inyong lugar. Ikaw natanong mo ba ang sarili mo na tama ba ang desisyon mo sa taong iboboto mo? O isa ka maraming taong walang dignidad na para sa isang daan o dalawang daang piso ay mabibili ang napakaimportante mong boto? Naisip mo ba na yang isang daang piso na yan na maaaring napunan ang inyong kalamnan sa isang buong araw ay sana nagdala sayo at sa inyong pamilya sa isang mas mabuting sitwasyon kung mayroon ka lang sanang paninindigan na iboto ang taong karapat-dapat sa inaasam nilang isang boto mo?
Ngayon, buong katapatan kong sinabi na isa ako sa mga taong nawawalan ng gana na bumoto ngayong halalan dahil sa wala namang progreso akong nakikita sa aming lugar. Taon taon nalang inaalala ng bawat daan daang pamilya dito sa aming lugar ang walang humpay na pagbaha, hindi lamang tipikal na pagbaha ngunit pagbahang minsan ay lampas tao na at higit pa roon ang baha ay nananatili sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan bago tuluyang humupa. Taon taon ganito ang nangyayari sa aming lugar at dahil dito maraming residente ang nagkakasakit at nakakaawa pa dito ay puros kabataan, marami ring estudyante ang nahihinto ang pag-aaral dahil sa mga eskwelahang okupado ng mga residenteng nag evacuate dahil apektado ng pagbaha, maraming kabuhayan ang nalugi at pamilyang nagutom. Karamihan sa ilang myembro ng pamilya ay napipilitang lumisan at mangupahan sa ibang lugar upang hindi maapektuhan ang kanilang trabaho kahit ang kapalit pa nito ay pagkahiwalay sa kanilang pamilya at isa na ako doon. Tuwing katapusan ng linggo umuuwi ako upang makapiling ang mahal na pamilya, babaybayin sakay ng mabagal na bangka para makarating sa tahanan at tuwing mapupunta ako sa ganitong sitwasyon hindi ko mapigilan ang maluha dahil sa awang nararamdaman sa bawat pamilyang madaraanan mo na walang pagpipilian kundi ang magtiis sa kanilang sitwasyon dahil sa kahirapan. Hindi ko nais na umalis sa aming bayan dahil mahal ko ito at dito na ako pinanganak hanggang magkaisap, dito na ako namulat sa lahat ng bagay sa mundo. Ngunit sa panahong katulad nito na wala ka ng magawa at gustuhin nalang na lumipat ng mas maayos na lugar.
Naglakas ako ng loob na isulat ito dahil nagbabaka sakali akong mapansin ang hinaing ng aming lugar na taon taon nalang pinoproblema. Nakakasawa ng bumoto kung wala ka namang nakikitang pagbabago sa inyong lugar. Minsan nga natanong ko sa sarili ko kung talaga bang binabalewala nalang talaga ang ganitong problema sa aming lugar. Isang simpleng maayos na drainage lang naman ang inaasam namin hindi nyo pa mabigay? Para saan pa ang mga tax na kinakaltas nyo sa amin buwan buwan kung sa isang simpleng hinaing hindi nyo pa masolusyonan? Para saan pa ang boto ng bawat isa sa amin kung naluklok kana sa pwesto pero walang pagbabago?
Ikaw para saan ang boto mo?
11/03/2013
Sana mabasa ito ng mga pangkaraniwang tao. Hanga ako sa layunin mong maimulat ang kanilang mga mata pagdating sa pagpili ng tamang kandidato at kung ano nga ba an dahilan para sila ay bumoto. Pero kaylan pa kaya nila maiintindihan ito? Kaylan pa kaya nila maiisip na oras na para pumili ng tamang kandidato. Ag tanging solusyon lang na nakita ko, para magtiwala ang mga tao sa pulitiko ay ang TRANSPARENCY. Sa totoo lang, Yun ag ginamit kong sandata sa nakaraang laban ko. Na ipagkaloob sa mga tao ang karapatan nila para malaman at maki-alam sa PONDO ng ating Barangay. Kaso, di pa din kinaya.. Mas naging matimbang ang pera at kapakinabangan sa mismong araw ng eleksyon. Kahit gaano kaganda ang ialay mo sa mga tao, basta wala kang pera na ipapamudmod sakanila sa mismong araw ng eleksyon, ay wala pa din. At di ka pa din nila iboboto. Masakit tanggapin, pero mukhang ito na talaga ang nagiging mukha ng eleksyon satin. Ipagdasala nalang natin na magising na sila, gayon din ang mga bagong namumuno sa lugar natin. Ipakita ang dapat ipakita, ibigay ang dapat ibigay. at higit sa lahat, GAWIN ANG NARARAPAT NA GAWIN.